Nasa 150 bagong college students ang target na mapabilang sa One Manaoag Scholarship Program ngayong taon, mula sa 300 aplikanteng umabot sa final stage ng selection process.
Nitong Agosto 16, sumailalim ang mga aplikante sa final scholarship examination sa Manaoag National High School matapos makapasa sa mga naunang face-to-face interview, document screening at evaluation ng Scholarship Committee.
Ibig sabihin, tinatayang isa sa bawat dalawang aplikante na umabot sa final examination ang maaaring makakuha ng scholarship slot, depende sa magiging resulta ng pagsusulit at kabuuang evaluation.
Mayroon nang 283 continuing scholars ang programa. Kapag nadagdagan ng 150 bagong benepisyaryo, aabot sa 433 scholars ang maaaring suportahan ng programa.
Nakatakdang makatanggap ang bawat kwalipikadong scholar ng ₱16,000 na financial assistance kada academic year, o tig-₱8,000 kada semestre.
Inaasahang makatutulong ang grant sa mga gastusin sa pag-aaral ng mga benepisyaryo habang nagpapatuloy sila sa kolehiyo.
Susunod na hinihintay ang resulta ng final selection upang matukoy kung sinu-sino sa 300 aspirants ang makakakuha ng 150 scholarship slots. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










