
Naglabas ng anunsyo ang Central Pangasinan Electric Cooperative o CENPELCO ukol sa nakatakdang power service interruption sa darating na Sabado, Hunyo 13, na maaapektuhan sa ilang bahagi ng San Carlos City partikular na sa Feeder 4.
Ayon sa ulat ng CENPELCO, hahatiin sa dalawang magkahiwalay na schedule ang scheduled brown-out para sa mga apektadong lugar.
Para sa unang parte, mawawalan ng suplay ng kuryente mula alas-otso hanggang alas-otso kinse ng umaga (8:00 AM to 8:15 AM), at magpapatuloy sa tanghali mula alas-onse kwarenta’y singko hanggang alas-dose ng tanghali (11:45 AM to 12:00 NN).
Kabilang sa mga maaapektuhang lugar sa naturang oras ay ang mga bahagi ng Barangay Padilla, Palaris, Lucban, Bonifacio, Taloy-San Pedro, Mamarlao, Pangoloan, Gamata, Balaya, Bacnar, Bolosan, Caingal, Mestizo Norte, San Juan, Baldog, Talang, Buenglat, Tayambani, Payar, Maliwara, Balococ, Isla, Aponit, Tamayo, Panacol, Salinap, Bocboc, Bani, Bogaoan, Mabalbalino, at Antipangol.
Samantala, mas mahabang oras naman ang mararanasang power service interruption sa pangalawang schedule na magsisimula mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali (8:00 AM to 12:00 NN).
Apektado rito ang mga bahagi ng Barangay Agdao, Tebag, Polo, Malacanang, Libas, Anando, Abanon, Guelew, Supo, Caoayan Kiling, Calobaoan, at natitirang bahagi ng Bacnar.
Ayon sa pamunuan ng CENPELCO, ang pangunahing layunin ng nasabing power interruption ay upang isagawa ang pagbubukas at pagsasara ng disconnection switch, gayundin ang pagbabaklas ng mga poste ng kuryente na naapektuhan ng mga kasalukuyang proyekto ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Humingi naman ng paumanhin ang CENPELCO sa idudulot na abala ng isasagawang corrective maintenance kasabay ng paalalang maaaring maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga sa itinakdang oras. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









