Manila LGU, kinumpirmang nakatanggap ng donasyon mula sa isa sa inarestong Chinese dahil sa pang-eespiya

Kinumpirma ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na nakatanggap ng mga donasyong motorsiklo ang Manila Police District mula sa mga Chinese na iniuugnay sa pang-eespiya.

Ito ay matapos ang ulat ng ilang international news agencies na tumanggap ang ilang lokal na opisyal sa Pilipinas ng mga donasyon sa mga indibidwal na sangkot sa espionage.

Ayon sa Manila LGU, dumaan sa rebyu ng City Legal Officer at City General Services Office ang deed of donation at sinuri ding mabuti ang mga dokumento.

Nasa sampung motorsiklo ang idinonate ng Quiaoxing Volunteer Group sa LGU na ibinigay naman sa Manila Police District o MPD.

Nilinaw rin ng lokal na pamahalaan na isang beses lamang nagkita sina Manila Mayor Honey Lacuna at ang Chinese na donor na si Wang Yongyi kung saan nangyari daw noong turnover ceremony noon pang 2022.

Si Wang Yongyi ang isa sa limang Chinese na inaresto noong Enero dahil sa pagkuha ng mga litrato sa isa sa detachment ng Philippine Navy sa Palawan at mga barko ng Philippine Coast Guard.

Facebook Comments