
Hindi magiging kasing init ng summer noong nakaraang taon ang mararanasang tag-init ngayong 2025.
Sa Malacañang press briefing, ipinaliwanag ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA Assistant Weather Services Chief at Spokesperson Analisa Solis, mas mainit ang tag-init noong 2024 dahil mayroong strong El Niño at maraming record-breaking na mga temperatura at matataas na heat index o damang init.
Batay kasi sa forecast ng PAGASA, hindi sila nakapag-predict ng 40 degree celsius na damang init dahil ang maximum daytime temperature ay nasa 39.6 hanggang 39.9 degree celsius lamang pagdating katapusan ng Abril hanggang unang linggo ng Mayo.
Gayunpaman, sinabi ni Solis na inaasahan pa rin ang matataas na heat index ngayong taon na posibleng pumalo sa 48 – 50 degree celsius.
Posible ring maranasan ulit ang 52 degree celsius na damang init tulad noong 2024 pero ito ay sa iilang lugar lamang sa bansa.