Maruming tubig-baha at hindi kaaya-ayang amoy ang inirereklamo ng ilang vendor at mamimili dito sa downtown dagupan, kasabay ng matagal na pananatili ng baha sa ilang bahagi ng lugar.
Dahil sa mga nagdaang pag-ulan at pagbaha, nananatili ang tubig sa ilang bahagi ng Downtown Dagupan, dahilan upang maging pahirapan ang paglilinis at pag-aalis nito.
Kapansin-pansin din sa ilang bahagi ang maitim at maruming tubig-baha, kasama ang mga lumot at basurang naiipon o palutang-lutang sa tubig.
Ayon kay Lorenzo Tomas, isang mamimiling nakapanayam ng iFM News Dagupan, araw-araw siyang nagtutungo sa Downtown Area upang bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Aniya, napansin niya ang hindi kaaya-ayang amoy sa lugar na iniuugnay niya sa matagal na pananatili ng maruming tubig-baha.
Ikinababahala rin ni Tomas ang posibleng epekto sa kalusugan ng patuloy na pagkakalantad ng mga tao sa maruming tubig at masangsang na amoy, lalo na’t marami ang araw-araw na dumaraan at namimili sa lugar.
Problema rin ito para sa ilang vendor.
Ayon naman kay Nelson, isang tindero sa Downtown Area, sila na mismo ng kapwa vendors ang naglilinis sa paligid ng kanilang mga pwesto, partikular kapag naiipon na ang lumot at mga basurang dala ng baha.
Umaasa ang mga vendor at mamimili na tuluyang humupa ang baha at agad na maalis ang mga naipong basura at maruming tubig upang maging mas maayos at ligtas ang kondisyon sa Downtown Area.
Kamakailan, nagsagawa rin ng paghahakot ng basura at paglilinis ang Waste Management Division sa nasabing bahagi upang maiwasang maipon ang mga kalat at makabara sa mga kanal at iba pang daluyan ng tubig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








