Ikaapat na beses nang nakararanas ng pagbaha ang ilang barangay sa Calasiao, Pangasinan kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan at patuloy na mataas na lebel ng tubig sa mga ilog.
Bagama’t unti-unti nang humuhupa ang baha sa ilang lugar, problema ng mga residente ang muling pagtaas ng tubig kapag nagpapatuloy ang malakas na pag-ulan.
Batay sa monitoring ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO nitong Setyembre 7, nasa 9.5 talampakan ang lebel ng tubig sa Marusay River at nananatiling lampas sa itinakdang critical level.
Dahil dito, patuloy ang banta ng panibagong pagtaas ng tubig sa mga mabababang lugar, partikular sa mga barangay na ilang ulit nang binaha nitong mga nakaraang linggo.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lebel ng Marusay River at iba pang waterways dahil maaari itong makaapekto sa bilis ng paghupa ng baha sa ilang komunidad.
Samantala, kasabay ng patuloy na pagbabantay sa sitwasyon, pormal na tinanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Calasiao nitong Lunes ang isang rescue boat na donasyon mula sa Kaya Natin! Movement.
Gagamitin ang naturang rescue boat sa emergency response, partikular sa paglikas ng mga residente at paghahatid ng tulong sa mga komunidad na mahirap marating kapag mataas ang tubig-baha.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga residenteng nasa flood-prone areas na bantayan ang pagtaas ng tubig at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at disaster response authorities. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







