
Itataas ang Red Alert at Yellow Alert sa Visayas Grid ngayong araw, September 9.
Sa pinakahuling abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), magsisimula ang Red Alert alas-1:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi, habang Yellow Alert naman ang ipatutupad mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-11:00 ng gabi.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng Red at Yellow Alert ang hindi operasyon ng malalaking coal plant na TVI 1 at PEDC 3, ang outage ng TVI 2 ngayong araw, at ang limitadong pag-angkat ng kuryente mula sa Mindanao Grid.
Ipatutupad din ng NGCP ang Yellow Alert sa Mindanao Grid dakong alas-1:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi.
Ayon sa NGCP, pangunahing dahilan ng Yellow Alert ang hindi pa rin operasyon ng malalaking coal plant na GNPK 2 at GNPK 3.
Ang Red Alert ay ipinatutupad kapag kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand at kinakailangang reserba ng grid, habang ang Yellow Alert ay idinedeklara kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.










