
Umapela ang Commission on Elections o COMELEC sa Kongreso na magkaroon ng special provision sa 2027 General Appropriations Act na magpapahintulot na gamitin sa ibang pangangailangan ang P11-bilyon na pondo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations ay hiniling ito ni COMELEC Chairman George Garcia sakaling hindi matuloy ang BSKE na nakatakda sa Nobyembre ngayong taon.
ayon kay Garcia, pwedeng ipantapal ang 11-billion pesos sa humigit-kumulang P9 bilyong budget cut sa kanilang hiniling na 2027 budget para sa preparasyon sa 2028 national at local elections.
Dagdag pa ni Garcia, maaari rin nila itong gamitin sa paghire ng mga kulang na empleyado at pambayad sa kanilang overtime.










