Mas pinagtibay ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng sunod-sunod na operasyon na pangunahing tumutok sa paghuli ng mga wanted person at pagsugpo sa ilegal na droga sa loob ng isang linggo.
Batay sa ulat mula April 13 hanggang 19, 2026, kapansin-pansin ang mataas na bilang ng mga naarestong indibidwal na may kinakaharap na kaso, na umabot sa 35.
Kabilang dito ang pitong nasa listahan ng Most Wanted Persons.
Sa kampanya kontra ilegal na droga, siyam na operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam na hinihinalang sangkot sa droga.
Nakumpiska sa mga operasyon ang mahigit 74 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit kalahating milyong piso.
Sa ilegal na sugal, apat na indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon, habang libo-libong pisong halaga ng pustahan ang nasamsam.
Samantala, sa kampanya laban sa loose firearms, isang suspek ang naaresto at isang baril ang narekober sa tatlong operasyon.
Mas pinaigting pa umano ng kapulisan ang kanilang presensya at aksyon sa ibat ibang uri ng krimen, na may layuning hindi lamang hulihin ang mga lumalabag sa batas kundi pigilan din ang patuloy na paglaganap ng ilegal na gawain sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










