PAGBABAHAY-BAHAY NA BAKUNAHAN PARA SA MGA ALAGANG HAYOP, ILULUNSAD SA MGA BARANGAY SA ALAMINOS CITY

Naglabas ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Alaminos City kaugnay ng isasagawang pagbabahay-bahay na pagbabakuna para sa mga alagang hayop sa ibat ibang barangay.

Ayon sa anunsyo, isasagawa ang aktibidad batay sa lingguhang schedule na ilalabas sa publiko.

Mula Abril 20 hanggang 24, 2026, isasagawa ang aktibidad sa bahagi ng Brgy. San Roque, Pandan, Sta. Maria, Mona, at Polo.

Hinihikayat ang mga residente na patuloy na sumubaybay upang malaman ang eksaktong petsa ng pagbabakuna sa kani-kanilang lugar.

Ipinabatid din ang mga kinakailangang sundin bago isailalim sa bakuna ang mga alagang hayop.

Kabilang dito ang hindi bababa sa tatlong buwan ang edad ng alaga, walang naitalang insidente ng pagkagat sa loob ng nakalipas na dalawang linggo, at kinakailangang malusog at walang sakit ang hayop.

Pinaalalahanan naman ang mga pet owner na ihanda ang kanilang mga alaga sa itinakdang iskedyul upang maging maayos at mabilis ang isasagawang pagbabakuna. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments