MATINDING INIT SA PANGASINAN, POSIBLENG MAGPATULOY; PDRRMO NAGBABALA SA PUBLIKO

Nagbabala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko kaugnay ng patuloy na nararanasang matinding init ng panahon sa lalawigan, na posibleng magtuloy-tuloy pa sa mga susunod na araw.

Ayon sa PDRRMO, sunod-sunod ang naitatalang mataas na heat index sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pangasinan, kaya’t pinaigting ang paalala sa publiko na pangalagaan ang kalusugan laban sa matinding sikat ng araw.

Pinapayuhan ang mga residente na panatilihing hydrated ang katawan sa pamamagitan ng regular na pag-inom ng tubig, at hangga’t maaari ay iwasan ang matagal na pagbabad sa ilalim ng araw, lalo na mula alas-dose ng tanghali hanggang alas-kwatro ng hapon—ang oras na pinakamataas ang init.

Samantala, patuloy namang naglalabas ng araw-araw na heat index updates ang Department of Science and Technology (DOST) upang mabigyang babala at maging gabay ang publiko sa pag-iwas sa heat-related illnesses tulad ng heat exhaustion at heat stroke.

Matatandaang kabilang ang Pangasinan sa mga lalawigan sa bansa na nakapagtala ng matataas na heat index, na umaabot pa sa mahigit 40 degrees Celsius sa ilang lugar.

Dahil dito, muling hinihikayat ng PDRRMO ang lahat na maging mapagmatyag at sundin ang mga health advisories upang maiwasan ang masamang epekto ng matinding init ng panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments