Ilang estudyante at mga magulang ang nangangamba kung ligtas pa rin ba ang mga paaralan para sa mga kabataan.
Apektado rin ang mental health ng mga kabataan, na isa sa mga malalaking suliraning kinahaharap ngayon ng bansa.
Ayon kay Senator Win Gatchalian, kailangang matugunan ang kakulangan sa mental health professionals.
Aniya, hindi dapat maging pribilehiyo lamang ang mental health services, bagkus ay dapat itong maging accessible sa lahat ng paaralan at komunidad.
Ayon naman sa estudyanteng si Jamaica, malaking bahagi sana ng solusyon ang pagkakaroon ng mga mental health professionals sa komunidad upang magkaroon ng sapat na gabay ang mga residente, lalo na ang mga kabataan.
Sa nauna nang pahayag ni Dr. Nhorly Domenden, Founder/Director ng Wundt Psychological Institute sa IFM News Dagupan, maaaring mapansin sa isang tao ang mga senyales ng depression sa pamamagitan ng mabilis na pagbabago ng kaniyang ugali at emosyon, kahit sa maliliit na bagay.
Dagdag pa niya, nahihirapan ang ilang taong nakararanas ng ganitong kalagayan dahil sa takot sa maaaring sabihin o maging tingin ng ibang tao.
Sa huli, mahalaga ang mental health para sa lahat upang magkaroon ng maayos na pagdedesisyon at mapanatili ang mabuting kalagayan ng bawat isa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







