Malaking dagok ito sa mga fish grower na umaasa sa pag-aalaga ng bangus bilang pangunahing ikinabubuhay.
Tinutukoy ng mga may-ari ng fish pen na posibleng dahilan ng fish kill ang matinding init ng panahon at ang biglaang pag-ulan sa hapon na nagdudulot ng mabilis na pagbabago sa temperatura ng tubig.
Ayon kay Purita Villanueva Bautista, may-ari ng isang fish pen, tatlong bangka ng mga bangus na may iba’t ibang laki ang nangamatay sa kanilang alagaan.
Dagdag niya, naibenta pa ang ilan sa mga bangus na may pulang hasang at maaari pang ibenta, habang ibinaon naman sa lupa ang mga isdang hindi na maibebenta.
Samantala, dumulog sa opisina ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC ang mga apektadong miyembro ng Pugaro Bangus Growers Association upang humingi ng tulong kasunod ng insidente.
Patuloy naman ang paggamit ng mga fish grower ng mga water pump upang maibsan ang init at mapanatili ang maayos na kondisyon ng tubig para sa kanilang mga alagang bangus.
Hiling din nila ang tulong ng lokal na pamahalaan upang makabangon sa pagkaluging idinulot ng fish kill.
May pangamba rin sa posibilidad ng mga kaparehong insidente sa iba pang lugar dahil sa matinding init na iniuugnay sa epekto ng Very Strong El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








