DATING TAGASUPORTA NG COMMUNIST FRONT ORGANIZATION, BOLUNTARYONG SUMUKO SA PULISYA SA DAGUPAN CITY

Boluntaryong sumuko sa Dagupan City Police Office ang isang dating tagasuporta ng Communist Front Organization o CFO noong Oktubre 11, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng mga awtoridad na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lungsod.

Pinangunahan ng City Mobile Force Company, katuwang ang City Intelligence Unit at mga opisyal ng Barangay Bonuan Binloc, ang pagsuko ng indibidwal dakong alas-onse ng umaga.

Pormal ding nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ng Republika ng Pilipinas ang dating tagasuporta.

Bilang paunang tulong sa kaniyang mga pangangailangan, pinagkalooban siya ng mga pangunahing bilihin o grocery items matapos ang mapayapa at naaayon sa umiiral na mga patakaran na proseso ng pagsuko.

Ayon sa Dagupan City Police Office, ipinakikita ng hakbang na ito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Philippine National Police, lokal na pamahalaan at mga sektor ng komunidad sa paghikayat sa mga dating tagasuporta ng mga communist front organization na bumalik sa lipunan.

Sa ilalim ng Whole-of-Nation Approach, patuloy na isinusulong ng pulisya ang pakikipagtulungan at pagbibigay ng tulong sa mga indibidwal na nais kumalas sa mga gawaing may kaugnayan sa insurhensiya upang makatulong sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments