
Nagsagawa ng verification at rescue operation ang Department of Migrant Workers (DMW) sa isang resort sa Castillejos, Zambales matapos ireklamo ng mga aplikanteng iligal na pinagtatrabaho roon.
Sa pagsisiyasat ng DMW, lumalabas na lumabag ang Philippines Human Resource Worldwide Employment Co. dahil sa iligal na pagpapatrabaho sa mga aplikante, bukod sa masisikip at mainit ang nipa cottages o kwarto na kanilang pansamantalang tinutuluyan.
Natuklasan din ng DMW na hindi rehistrado sa LGU ang resort.
May aplikante rin na nagreklamo sa init, habang ang iba naman ay gustong umalis ngunit pinagbabayad ng ₱250 kada araw.
Ayon sa DMW, lumabag din ang agency sa mga patakaran ng DMW dahil sa matagal na pananatili ng aplikante na umaabot sa 2 hanggang 4 na buwan na hindi pa rin nakakalipad.
Nalabag din aniya ang karapatan ng mga aplikante sa kanilang pananampalataya dahil tanging sa iisang simbahan ng agency lamang sila puwede pumunta.
Mahaharap din ang agency sa kasong administratibo dahil sa paglabag sa DMW Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Landbased Overseas Filipino Workers.