
Tiniyak ni Senate President Francis Escudero na kumikilos na ang kanyang tanggapan para makipagtulungan sa mga lokal ng Sorsogon na apektado ng nangyaring pagputok ng Bulkang Bulusan.
Ayon kay Escudero, kasama ang Provincial Government ng Sorsogon ay nakikipag-ugnayan din siya sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Office of Civil Defense (OCD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tiyakin ang kaligtasan ng kanyang mga constituents sa lalawigan.
Siniguro ng senador sa kanyang mga kababayan doon na nakahanda ang evacuation centers at mga disaster relief personnel para umagapay sa pangangailangan ng mga pamilyang apektado sakaling magtuloy-tuloy pa ang aktibidad ng bulkan.
Hinikayat ni Escudero ang mga nakatira malapit sa bulkan na maging mapagmatyag at agad na sumunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan kaugnay sa pag-aalburoto ng Bulkang Bulusan.
Nanawagan din ang mambabatas na patuloy na ipanalangin ang paghupa ng pag-aalburoto ng bulkan upang maiwasan ang anumang paglala ng sakuna.