Mainit na sinalubong ng mga mag-aaral at pamunuan ng Sta. Barbara Central School si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagdating ngayong Setyembre 17 sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Dumiretso ang Pangulo sa paaralan matapos ang kanyang inspeksyon sa Nutridense Food Manufacturing Corporation sa Barangay Malanay.
Sa kanyang pagbisita sa paaralan, tiningnan ni Marcos ang PhilHealth YAKAP at School-Based Feeding Program ng Department of Education, na naglalayong ilapit mismo sa mga estudyante ang health at nutrition services.
Sa YAKAP activity, 200 benepisyaryo ang target—100 estudyante at 100 adults, kabilang ang mga guro at magulang.
Bukod sa PhilHealth registration at pag-update ng records, maaari silang magpa-enlist sa kanilang YAKAP provider at magkaroon ng access sa primary healthcare gaya ng medical at dental check-up, laboratory tests at mga gamot.
Ayon kay PhilHealth Acting President and CEO Dr. Beverly Lorraine C. Ho, nais nilang mas maraming estudyante ang ma-cover ng YAKAP upang maagapan ang mga karamdaman bago pa mangailangan ng pagpapaospital.
“Ang entry point ng lahat ng mga benepisyong ’to ay YAKAP. So kailangan first order of the day namin maging YAKAP-covered yung mga bata sa eskwela.”
Kasabay nito, aktuwal ding pinakain ng hot meal na tinola at fortified rice ang mga mag-aaral bilang bahagi ng pinalawak na School-Based Feeding Program.
Ayon kay DepEd Undersecretary Fatima Panontongan, mahalaga ang feeding program hindi lamang para mapanatiling malusog ang mga bata kundi maging sa kanilang attendance at kakayahang makapag-focus sa klase.
Sa buong bansa, 4.6 million learners ang target na mapakain ngayong school year, habang mula sa dating maximum na 120 feeding days, pinalawig na ito sa 182 hanggang 200 araw.
“Dati po 120 days yung maximum natin. This school year 182 to 200 days na po yung ating feeding. So buong school year po tayo ay magpapakain para po sigurado na malusog po yung mga bata throughout the school year.”
Sakop ng feeding program ang lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners, gayundin ang mga undernourished na mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Naroroon din sa aktibidad sina Pangasinan Governor Ramon V. Guico III at 3rd District Representative Maria Rachel J. Arenas, kasama ang mga opisyal ng PhilHealth, DepEd at pamunuan ng Sta. Barbara Central School.
Sa pamamagitan ng dalawang programa, target na dalhin mismo sa paaralan ang pangunahing serbisyong pangkalusugan at tuloy-tuloy na suportang pang-nutrisyon, upang mabawasan ang mga problemang pangkalusugan na maaaring makaapekto sa pagpasok at pag-aaral ng mga batang Pangasinense. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








