Sinanay ang mga Barangay Health Worker (BHW) sa Dagupan City upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa pagkilala at pagtugon sa mga suliranin sa kalusugang pangkaisipan sa ilalim ng SAFEnet Program ng lungsod.
Isinagawa ito sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan at Department of Health–Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD1) sa pamamagitan ng Training of Trainers for Mental Health Gap Action Programme for Community Health Workers, na may temang “Tuon, Tukoy, Tugon.”
Layunin ng pagsasanay na maturuan ang mga BHW kung paano makikilala ang mga palatandaan ng suliraning pangkaisipan at kung paano maayos na tutugon at magtuturo sa mga nangangailangan sa angkop na serbisyong pangkalusugan.
Kabilang sa mga nagbigay ng lektura ang isang psychometrician mula sa DOH, mga mental health coordinator ng City Health Office, at kinatawan ng mga BHW.
Inaasahang magagamit ng mga sinanay na BHW ang kanilang natutuhan upang makatulong sa maagang pagkilala sa mga suliraning pangkaisipan at sa pag-uugnay ng mga residente sa mga propesyonal na makapagbibigay ng karampatang tulong. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











