POTHOLES SA KALSADA NG BRGY. SAN JUAN, SAN CARLOS CITY, DAGDAG PERWISYO UMANO SA MGA MOTORISTA AT RESIDENTE

‎Panawagan ng mga residente at motorista ang agad na pagsasaayos ng mga potholes upang maging maayos ang daloy ng kanilang biyahe at higit sa lahat, matiyak ang kaligtasan ng mga dumaraan.

‎Nagsulputan kasi ang mga potholes o malalalim na butas sa kalsada na lumilitaw sa ilang bahagi ng mga daanan ngayong tag-ulan.

‎Gaya na lamang sa Barangay San Juan sa San Carlos City kung saan ilang potholes ang sumasalubong sa mga drayber at nagiging dagdag pahirap sa kanilang biyahe.

‎Ayon kay Marites Dela Cruz, residente sa lugar, naging perwisyo na sa kanilang pamilya ang kondisyon ng kalsada matapos umanong maaksidente ang isa sa kanyang mga kamag-anak dahil sa mga potholes.


‎Hinaing din ito ni Marlon, isang drayber, dahil nagkakaroon umano siya ng dagdag na gastos sa pagpapagawa at pagpapalit ng mga piyesa ng kanyang motorsiklo na nasisira dahil sa mga butas sa kalsada.

‎Samantala, ayon kay Punong Barangay Frank Vedana ng nasabing barangay, naglagay na sila ng mga warning device sa mga bahaging nasira bunsod ng patuloy na pag-ulan.

‎Ayon kay Vedana, nasira ang ilang bahagi ng aspalto na isinagawa ng Provincial Engineering Office matapos ang pag-ulan, dahilan upang agad itong i-report ng Barangay Council sa Department of Public Works and Highways (DPWH)–Sta. Barbara.

‎Kasalukuyan nang nagsasagawa ng inspeksyon ang DPWH upang matukoy ang lawak ng pinsala at ang kinakailangang pagkukumpuni sa nasabing kalsada.


‎Habang hinihintay ang permanenteng pagkukumpuni, pansamantalang tinatambakan ng buhangin at bato ang mga potholes upang mabawasan ang panganib sa mga motorista.

‎Isinasagawa rin ang pagpa-flatten sa mga bahagi ng kalsadang nabuwag o nakaangat ang aspalto upang pansamantalang maging mas ligtas ang daanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments