
Nagtipon ang 57 kabataang lider mula sa siyam na bansa sa Timog-Silangang Asya, kasama ang mga delegado mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, para sa ASEAN Youth in Climate Action and Disaster Resilience Conference.
Layunin ng pagtitipon na palakasin ang kakayahan ng kabataan sa pagtugon sa mga hamon ng pagbabago ng klima at sakuna.
Pinangunahan ng National Youth Commission (NYC) ang kumperensiya na isinagawa sa ilalim ng temang pagtutulungan para sa mas matatag at ligtas na kinabukasan.
Tampok dito ang mga panayam ng eksperto, mga workshop, at makabuluhang talakayan sa polisiya.
Nagtapos ang kaganapan sa paggawa ng Youth Output Declaration na isang panawagan para sa mas matibay at pinangungunahang solusyon ng kabataan sa krisis ng klima.
Sa nasabing kumperensiya, nagbigay ng mensahe si Secretary Robert Borje, Vice Chairperson at Executive Director ng Climate Change Commission (CCC), kung saan hinikayat niya ang kabataang lider ng ASEAN na maging pangunahing katuwang sa pagbabago.