Mga kongresista, hinikayat na mag-sponsor ng isang atleta sa kanilang distrito

Hinikayat ni Deputy Majority Leader and Quezon City Third District Representative Franz Pumaren ang mga kasamahang mambabatas na mag-i-sponsor ng isang atleta sa kani-kanilang distrito kada taon.

Ayon kay Pumaren, ito ay paraan ng pagsuporta sa mga atletang Pilipino na napansin niya na kulang sa mga basic na kagamitan gaya ng training shoes at training clothes.

Napuna ito ni Pumaren sa kaniyang pagbisita sa Cambodia kasama ang ilang miyembro ng House Committee on Youth and Sports upang personal na ipakita ang pagsuporta sa ating mga manlalaro sa 32nd Southeast Asian Games.


Hinggil dito ay hiniling din ni Pumaren sa mga miyembro ng Kongreso na pagtulungang madagdagan ang pondo ng Philippine Sports Commission at attached agencies nito.

Naniniwala si Pumaren na mas malakas ang tsansa na magtagumpay ang ating mga atleta kung mabibigyan ito ng sapat na suporta ng pamahalaan at mga kinatawan sa Mababang Kapulungan.

Facebook Comments