MGA MANLALAKO SA MALIMGAS PUBLIC MARKET,HALOS DALAWANG BUWAN NANG APEKTADO NG BAHA; STALL RENTAL SA AGOSTO,IPINAKAKANSELA

‎Halos dalawang buwan nang hirap ang mga manlalako at stallholders sa Malimgas Public Market dahil sa pagbaha na dulot ng high tide at tuloy-tuloy na pag-ulan.
‎‎Buong buwan ng Agosto ay naging hamon para sa mga negosyante ang epekto ng baha, na nagresulta sa kakaunting kustomer at pagbaba ng kanilang kita. Nangangamba ang ilan na tuluyan silang malugi kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon.

‎Dahil dito, nanawagan ang mga manlalako at stallholders sa Malimgas Public Market at Meles Magsaysay Riverside Market na kanselahin ang kanilang stall rental para sa buong buwan ng Agosto 2026. Inilahad ang kanilang kahilingan sa isinagawang Committee Hearing nitong Setyembre 9.


‎Ayon naman sa ilang maliliit na negosyante, napaghandaan nila ang mga kalamidad, ngunit hindi nila inaasahan ang mas matagal na epekto ng pagbaha.

‎Isa rito si Aleng Antonette, na nagsabing malaki ang ibinaba ng kanilang kita nitong mga nakaraang buwan.


‎Aniya, mula nang pumasok ang buwan ng Hunyo at Hulyo, bumaba sa P500 hanggang P600 ang kanilang kinikita mula sa dating P10,000 hanggang P15,000. Sa kasalukuyan, halos wala na umano silang kinikita.

‎Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkalugi ang pagbaha dulot ng high tide at tuloy-tuloy na pag-ulan. Dahil dito, kakaunti ang mga pumupunta at namimili sa palengke.

‎Sa ikalawang palapag naman ng Malimgas Market, sinabi ng mga stall owner na mahigit isang buwan na nilang nararanasan ang pagbaha, dahilan upang hindi umano makapunta ang mga customer. Problema rin ang pagtagas ng tubig mula sa bubong tuwing tuloy-tuloy ang ulan.

‎Ayon sa Market Division, naiparating na nila sa Engineering Office ang problema sa bubong. Isasama umano ang pagsasaayos nito sa budget para sa 2027.


‎Sa ngayon, pag-aaralan at pag-uusapan pa ng mga kinauukulan kung pagbibigyan ang kahilingan ng mga manlalako na alisin ang stall rental para sa buong buwan ng Agosto.

‎Patuloy namang nananawagan ang mga negosyante sa mga kinauukulan na mabigyan sila ng palugit habang patuloy nilang hinaharap ang epekto ng pagbaha at nagsisikap na maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments