Mga Nalalabing NPA, Nakakaranas na ng Matinding Gutom at Hirap- 17th IB

144
Cauayan City, Isabela- Naniniwala ang pamunuan ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army na patuloy ang nararanasan ngayong gutom at hirap ng mga natitirang miyembro ng New People’s Army (NPA) dahil sa magkakasunod na pagkakarekober ng kasundaluhan sa imbakan ng mga pagkain ng mga rebelde.

Ayon kay LTC Angelo Saguigit, ang Battalion Commander ng 17th IB, muling nakarekober ang tropa ng pamahalaan katuwang ang kapulisan ng mga container na naglalaman ng mga pagkain ng rebeldeng grupo dahil pa rin sa tulong ng isang dating rebelde.

Apat (4) na plastic container ang matagumpay na nahukay at nakumpiska ng mga otoridad sa Sitio Nagattatan, Barangay Bural, Rizal, Cagayan na may mga lamang bigas at isang sako ng bigas, mga delata at instant noodles.

Inihayag naman ng isang dating rebelde na ang mga narekober na suplay ng pagkain ay mula sa mga residente ng Barangay Bural kung saan tinakot aniya ng mga teroristang NPA ang mga residente sa lugar upang magbigay ng mga pagkain.

Dinala naman sa Headquarters ng 17IB ang mga nakuhang container, mga delata at noodles para sa kaukulang disposisyon.

Kamakailan lamang nang makarekober ang kasundaluhan ng mga suplay ng pagkain ng mga makakaliwang pangkat sa bahagi naman ng Barangay San Juan sa kaparehong bayan na malapit lamang sa Barangay Bural.



Muli namang hinikayat ni LTC Saguigit ang iba pang miyembro ng NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan para hindi maranasan ang matinding gutom at hirap sa kabundukan.

“Huwag na ninyong pahirapan pa ang inyong mga sarili. Wag ninyong hayaang magutom kayo dahil sa inyong mga walang saysay na ipinaglalaban. Narito ang inyong pamahalaan, handa kayong busugin ng mga kaukulang tulong tungo sa inyong pagbabagong buhay” pahayag ni LTC Saguigit.

Facebook Comments