
Kumpyansa si Senate President Chiz Escudero na hindi makakaapekto sa proseso ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga nanalong bagong senador na inendorso ng bise presidente nitong katatapos na halalan.
Ayon kay Escudero, kung pagbabatayan ang kasaysayan hindi lamang sa parte ng Senado ay sadyang nagbabago-bago rin ang posisyon sa larangan ng politika.
Mayroon aniyang pagkakataon na ang mga inendorso ay kinalaban ang mga nag-endorso sa kanila at may mga nangyari na ang mga dating magkalaban ay nagkampihan sa huli.
Tumanggi naman si Escudero na magkomento kung posibleng maningil sa pamahalaan ang mga nanalong senador na nasa panig ng mga Duterte at mas mabuting sila na lamang ang tanungin tungkol dito.
Umapela naman ang Senate president sa mga kasalukuyang nakaupo at mga bagong senador na papasok sa Mataas na Kapulungan na iwasang magkomento o magbigay ng categorical na posisyon tungkol sa impeachment ni VP Sara.