
Nadagdagan pa ang mga iligal na droga na namataan sa karagatang sakop ng Cagayan.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakita ng mga lokal na mangingisda ang mga pakete ng shabu na may street price na P104.7 million.
Kabilang dito ang nasa P102 million o nasa 15 kilos ng shabu na na-ispatan sa Babuyan Island at Gonzaga sa Cagayan noong June 16; at nasa 400 grams ng floating shabu package na nasa P2.72 million na namataan nitong June 17 sa karagatan ng Camiguin Island at Cape Engaño, Barangay San Vicente sa Sta. Ana, Cagayan.
Ang mga shabu ay agad na sinurender ng mga mangingisda sa PDEA at Police Regional Office (PRO) 2.
Pinuri naman ni PDEA Dir. Gen. Usec. Isagani Nerez ang katapatan ng mga mangingisda, at mabilis na responde ng mga awtoridad laban sa mga kontrabado.
Tiniyak niya na patuloy ang surveillance sa pagpa-patrolya bilang parte ng kampanya laban sa iligal na droga.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ukol sa mga palutang-lutang na ilegal na droga sa mga karagatan ng Luzon, at kung saan ito nagmula.