Wednesday, September 16, 2026

Pagpapakalat ng picture at video ng Zamboanga school shooting incident, paglabag sa batas — DSWD

Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga patuloy na nagse-share at nagpo-post ng graphic photo at video ng naganap na school shooting sa Zamboanga City.

Ayon sa DSWD, ang paglalantad sa mukha o pagkakakilanlan ng mga bata, maging sila man ay biktima, saksi, o mismong minor na sangkot sa insidente, ay hayag na paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act o Republic Act 7610.

Maituturing umano itong child abuse dahil direktang pinipinsala nito ang emosyonal at mental na kalagayan ng mga bata, bukod pa sa pagdudulot ng matinding secondary trauma sa mga naulilang pamilya.

Maging ang pagpapakalat ng mga hindi beripikado at maling impormasyon sa social media ay pinatitigil din ng ahensya dahil nakasasagabal ito sa paghilom at recovery ng mga naapektuhan.

Umapela ang DSWD sa mga mamamahayag, vloggers, at netizens na piliing maging responsable at respetuhin ang dignidad at karapatan ng mga bata sa gitna ng ganitong trahedya.

Facebook Comments