
Kasabay ng Women’s Month celebration ay iginiit ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang pangangailangan na maipasa na ang mga panukalang batas para sa mga kababaihan lalo na ang nabibilang sa informal economy.
Pangunahing tinukoy ni Yamsuan ang House Bill 10070 o panukalang mag-aamyenda sa Expanded Maternity Leave Law para magbigyan ang female informal workers ng maternity cash benefits na katumbas ng 22 times ng minimum wage rate.
Ayon kay Yamsuan, nasa mahigit 6.6 million na mga manggagawang kababaihan sa informal economy ang inaasahang makikinabang sa panukala.
Binanggit din ni Yamsuan ang House Bill 4706 na nag-uutos sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tulungan ang mga mahihirap na battered women o dumaranas ng pag-abuso at pagmaltrato ng kanilang mga asawa o kinakasama.
Tinukoy ni Yamsuan na base sa 2022 National Demographic and Health Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 17.5 percent ng mga Filipino women na edad 15-49 ang biktima ng physical, sexual, and emotional violence mula sa kanilang mga partners.