Mga pasilidad ng BJMP para sa mga PDL na boboto sa araw ng Halalan, nakahanda na!

Handa na rin ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa pagboto ng persons deprived of liberty (PDL) sa midterm elections sa Lunes.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BJMP Spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, mula sa 115,000 sa buong bansa, tinatayang nasa higit 31,000 na PDL ang boboto sa 400 special polling precincts sa loob ng jail facilities.

Habang nasa 1,000 PDL naman ang dapat na dalhin sa mga presinto ng botohan sa labas ng pasilidad.

Samantala, nasa 80,000 na PDL ang hindi makakaboto dahil hindi nakapagparehistro, o hindi nakaabot sa registration dahil bagong kulong.

Hanggang alas-dos ng hapon ang botohan sa mga special polling precincts at mahigpit na tututukan ng Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) ang seguridad at pagbiyahe sa mga gagamiting makina at iba pa.

Facebook Comments