Sinimulan ang masusing inspeksyon sa mga pasilidad at daluyan ng irigasyon sa Pangasinan upang matukoy kung may pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo, malalakas na pag-ulan at epekto ng Habagat.
Pinangunahan ng National Irrigation Administration–Pangasinan Irrigation Management Office (NIA-Pangasinan IMO) ang field inspection bilang bahagi ng pagsusuri sa kondisyon ng mga irrigation facilities na mahalaga sa suplay ng tubig sa mga sakahan sa lalawigan.
Pinangunahan nina PIMO Division Manager Engr. John N. Molano at Engineering Chief Engr. Weynard Joseph P. Untalan ang inspeksyon kasama ang mga kawani ng tanggapan at kinatawan ng mga Irrigators Association.
Layunin nitong matukoy kung may mga istrukturang napinsala o nangangailangan ng agarang maintenance upang maiwasan ang posibleng problema sa operasyon at distribusyon ng tubig sa mga sakahan.
Sa paunang pagsusuri, nakitaan ng naipong putik at debris ang ilang bahagi ng mga pasilidad at daluyan ng irigasyon bunsod ng malalakas na pag-ulan at masamang panahon.
Mahalagang maalis ang mga nakaharang sa mga daluyan upang hindi maapektuhan ang normal na agos at distribusyon ng tubig patungo sa mga agricultural area.
Patuloy naman ang koordinasyon ng NIA-Pangasinan IMO sa mga Irrigators Associations at lokal na pamahalaan para sa monitoring, maintenance at iba pang kinakailangang intervention sa mga apektadong pasilidad.
Tinitiyak ng NIA na mananatiling operational ang irrigation system upang hindi maantala ang kinakailangang suplay ng tubig sa mga sakahan at mabawasan ang posibleng epekto sa kabuhayan at produksyon ng mga magsasaka sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










