
Nawawalan na ng tiwala sa mga politiko at sa gobyerno ang mga Pilipino.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ito ang malinaw na mensahe ng pinakahuling survey ng Pulse Asia kung saan ang approval rating ng Senado ay bumaba sa 42 percent sa Setyembre mula sa 53 percent noong Hunyo.
Giit ni Gatchalian, ito ang katotohanan at sentimyento ng taumbayan na kailangang tanggapin lalo’t lahat ng sangay ng pamahalaan ay bumagsak ang ratings matapos na rin ang isyu tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.
Mahalaga aniya ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para maibalik ang tiwala at kumpyansa ng mamamayan gayundin ang mabilis na pagpapanagot at pagsasampa ng mga kaso sa mga sangkot.
Samantala, para kay Senate President Tito Sotto III, ang mga survey ay nagsisilbing gabay sa pagtingin ng taumbayan sa isang partikular na panahon, o matatawag na ‘snapshot of the past’.
Tiniyak ni Sotto na gagampanan ng Senado ang tungkulin nito nang masigasig anuman pa man ang resulta ng mga survey.









