
Lumapit na sa Duterte Bloc sina Senate President Francis Escudero at Senator-elect Tito Sotto para hingiin ang kanilang suporta para sa Senate Presidency sa 20th Congress.
Ito ang kinumpirma ni Senator Christopher “Bong” Go kung saan sina Escudero at Sotto ay kapwa maglalaban sa nasabing posisyon.
Sinabi ni Go na mayroong inisyal na magkahiwalay na pakikipag-usap sina Escudero at Sotto sa kanila.
Kabilang sa criteria ng kanilang grupo sa pagpili ng senate president ay ang interes ng taumbayan ang uunahin at magiging independent ang Senado.
Iginiit ni Go na hindi kasama sa kanilang kondisyon sa iluluklok na senate president ang pagbabasura sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa ni Go, bukas sila sa pakikipag-usap at sa posibilidad na sa kanilang grupo manggaling ang senate president.