Mga sundalong kasama sa resupply mission sa BRP Sierra Madre na binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard, pinarangalan

Binigyang pagkilala ni Philippine Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio Adaci Jr. ang mga tauhan ng Philippine Navy na nanguna sa troop rotation and reprovision mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Ang mga ito ay kasama sa barko ng Pilipinas na binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard noong Agosto 5.

Iginawad ni VAdm. Adaci ang Bronze Cross Medal sa mga Officer in Charge sa naturang misyon dahil sa kanilang ipinamalas na tapang sa gitna ng panganib sa buhay at bantang kanilang kinaharap.


Pinagkalooban din ang mga ito ng Plaque of Recognition bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-46 na anibersaryo sa Naval Station Carlito Cunanan nitong Miyerkules.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni Adaci ang mga tagumpay ng Naval Forces West sa pagtataguyod ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Facebook Comments