MGA SUSPEK SA NAKAWAN NG WATER METER SA DAGUPAN CITY, MAY BAGONG MODUS PARA MAKAPAG-NAKAW

Tila muli umanong umaatake ang mga kawatan na namumuntirya ng metros ng tubig sa ilang Sitio sa Brgy. Pantal, Dagupan City, matapos ang higit sa limang insidente na naitala mula Pebrero.

Sa panayam kay Brgy. Administrator Marlone Calimlim, napapadalas umano ang naturang nakawan dahilan ng paghihigpit sa mga nagbabalak magnegosyo na kumuha ng sertipikasyon mula sa barangay para sa monitoring.

Base sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na hindi umano residente sa barangay ang mga suspek at madalas ay nagpapanggap na nag-aayos ng mga sirang gamit at naghahakot ng basura upang makapasok sa mga subdivision.

Aabot umano sa P2, 000 ang water meter at madalas hindi umano ibinebenta sa mga Junk Shop upang hindi matunton.

Kasabay nito, nakikiusap naman ang tanggapan sa mga residente na huwag nang hintayin na may mangyaring insidente bago i-report ang mga kahina-hinalang indibidwal o gawan sa kanilang mga lugar.

Pagtitiyak ng Barangay Council, pinaigting ang direktiba ng 24/7 na roving at monitoring sa mga sitio, kabilang ang planong pagtatalaga ng presinto o istasyon ng kapulisan sa barangay para sa agarang responde. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments