‎MGA TULAY AT DIKE SA BAYAMBANG, PATULOY NA MINOMONITOR NG AWTORIDAD

‎Patuloy na imo-monitor ng Municipal Engineering Office ang kalagayan ng mga tulay at dike sa Bayambang, Pangasinan, lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na pag-ulan at pagtaas ng tubig-baha sa ilang lugar.

‎Ito ay kasunod ng isinagawang pagsusuri sa mga pangunahing tulay sa bayan noong Agosto 30, 2026, kung saan nakumpirmang walang nakitang pinsala at nananatiling maayos at functional ang mga ito.

‎Sa pangunguna ni Municipal Engineer Bernadette Mangande, sinuri ang Calvo Bridge at Wawa o Romulo Bridge, na kapwa idineklarang nasa Category 1 o “Good and No Damage.”

‎Ayon sa Municipal Engineering Office, tinatayang nasa apat na metro sa ibaba ng bridge deck ang lebel ng tubig nang isagawa ang pagsusuri.

‎Isinagawa ang inspeksyon bunsod ng sunod-sunod na pagkasira ng Aquino Bridge at Agana Bridge sa lalawigan ng Tarlac na iniuugnay sa malawakang pag-ulan at pagbaha.

‎Tiniyak naman ng Municipal Engineering Office na magpapatuloy ang kanilang pagmomonitor hindi lamang sa mga tulay kundi maging sa mga dike sa bayan upang mabantayan ang kalagayan ng mga ito, lalo na sa panahon ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagtaas ng baha. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments