
Nagbabala ang motorcycle taxi company na Move It sa posibleng mass layoff ng mahigit 14,000 riders at abalang idudulot sa libo-libong pasahero kung hindi agad aaksyunan ng pamahalaan ang apela nila laban sa utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang supplemental motion na inihain ngayong araw, May 22, nanawagan ang Move It sa Motorcycle Taxi Technical Working Group o MCT-TWG na itigil muna ang pagpapatupad ng April 2025 order na nagpapababa sa bilang ng kanilang mga rider at nag-aatas ng tigil-operasyon sa Cebu at Cagayan de Oro.
Giit ng Move It, ang kautusan ay labag sa due process dahil ibinase lang umano ito sa isang hearing kung saan hindi present ang buong miyembro ng TWG, at wala ring kinatawan ng kompanya o ng mga rider.
Tinukoy rin ng Move It na hindi isinaalang-alang sa desisyon ang kanilang paliwanag na sumusunod sila sa alokasyon ng rider sang-ayon sa guidelines ng pilot implementation program para sa motorcycle taxis.
Binigyang-diin ng kompanya na ang pagpapatupad ng nasabing order ay magreresulta sa pagkawala ng hanapbuhay ng halos 7,000 rider sa Metro Manila, 3,000 sa Cebu, at 3,000 sa Cagayan de Oro, maliban pa ito sa epekto sa mga pasaherong umaasa sa Move It bilang abot-kaya, ligtas, at mabilis na opsyon sa transportasyon.
Naging kapansin-pansin din ayon sa Move It ang timing ng utos na inilabas ilang araw bago ang Labor Day, na anila’y dapat sana’y para sa pagkilala sa mga manggagawang Pilipino.
Iginiit ng Move It na kinikilala nila ang kapangyarihan ng TWG na mag-regulate, ngunit dapat daw itong isinasagawa nang naaayon sa batas at may sapat na konsultasyon sa mga apektado.
Dagdag ng kompanya, kung patatagalin pa ang pagresolba sa kanilang apela, hindi lang mga rider ang mawawalan ng kabuhayan kundi tiyak ding mahihirapan ang publiko, lalo na’t may nakaambang rehabilitasyon sa EDSA sa susunod na buwan.