Pamahalaan, may 200 repatriation request na mula sa mga PIlipino sa Israel at Iran

Nagbaba na ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa lahat ng kaukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin ang ligtas at maayos ang repatriation o boluntaryong pagpapauwi ng mga Pilipino sa Israel at Iran dahil sa nagpapatuloy na tensyon doon.

Ayon kay Pangulong Marcos, pinoproseso na ng gobyerno ang nasa 200 repatriation request ng mga Pinoy mula sa dalawang bansa.

Nasa Amman, Jordan na rin aniya si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac upang tanggapin ang unang batch ng 26 na OFW na pauwi mula Israel sa King Hussein Crossing.

Sa Israel, sinabi ng Pangulo na agad nang naipamahagi ang food packs at pinansyal na tulong sa mga apektadong Pilipino.

Marami rin aniya sa kanila ang pansamantalang nanunuluyan sa hostel ng Migrant Workers’ Office, kung saan may karagdagang espasyo rin kung kinakailangan.

Kaugnay nito, patuloy ring binabantayan ng gobyerno ang kalagayan ng isang Filipina caregiver na kasalukuyang nasa ospital sa Israel, stable na ang kondisyon ngunit naka-oxygen support at ventilator pa rin.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa kaniyang pamilya upang masigurong natatanggap nito ang nararapat na pangangalaga.

Samantala, inihahanda na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Iran ang repatriation ng walong Pilipino sa mga darating na araw.

Facebook Comments