
Nakahanda na ang buong pwersa ng Manila Police District (MPD) maging ang mga kagamitan nito sa pagresponde sakaling may sakuna o kalamidad.
Sa ginawang Philippine National Police (PNP) Wide Annual Inspection, pinangunahan mismo ni MPD OIC Dir. PBGen. Benigno Guzman ang aktibidad.
Ilan sa mga kagamitan ng MPD na ininspeksyon ni Guzman ay mga rubber boats, raft, hand tools, pala, piko, hydrolic cutter, driller, life jackets, rappeling ropes, flashlights, headlamps, first aid kits at iba pa na magagamit tuwing may sakuna.
Nais masiguro ng pamunuan ng MPD na lahat ng mga kagamitan nila sa pagresponde ay nasa maayos na kalagayan gayundin ang pagiging handa at alerto ng kanilang mga tauhan.
Isa sa mga tututukan ng MPD ang pagtulong sa mga nangangailangan sa lungsod ng Maynila lalo na sa pagsapit ng panahon ng tag-ulan.