
Nirerespeto ni Albay Representative Joey Salceda ang pagbawi ng Korte Suprema sa ipinataw na temporary restraining order laban sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP) at suportado rin niya ang high-tech traffic enforcement.
Pero giit ni Salceda, bago ito ipatupad ay dapat mailatag muna ang apat na kritikal na safeguards o proteksyon para sa mga motorista.
Una ayon kay Salceda, dapat may malinaw at accessible appeals mechanism katulad sa Amerika kung saan pwedeng kwestyunin ang paglabag sa isang traffic judge.
Ikalawa, sinabi ni Salceda na dapat matiyak ang tamang road signage at uniform o magkakaparehong traffic rules sa buong Metro Manila.
Ikatlo, hiniling ni Salceda na siguraduhing hindi maparurusahan ang mga pedestrian nang hindi patas at sa mga lugar na walang ligtas na tawiran.
Ikaapat na binanggit ni Salceda ang pagkakaroon ng patakaran mula sa Department of the Interior and Local Government Public-Private Partnership para matiyak na ang implementasyon ng NCAP ay hindi lalabag karapatan ng commuters at due process.