DAR North Cotabato, hinihikayat ang higit 4,700 kabataan na pasukin ang agrikultura bilang propesyon

Pinalalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa North Cotabato ang kaalaman at interes ng kabataan sa agrikultura sa pamamagitan ng isang kampanyang humihikayat sa mga kabataan na tingnan ang agrikultura bilang isang makabuluhan at maaasahang propesyon.

Ayon kay Evangeline Bueno, Provincial Agrarian Reform Program Officer, sa pamamagitan ng mga masiglang talakayan, naabot na ng kampanya ang 4,773 na Grade 10 at Senior High School na estudyante mula sa 20 paaralan sa 18 bayan.

Ipinakikilala rito ang mga pangunahing programa ng DAR, lalo na ang Support to Parcelization of Lands For Individual Titling o SPLIT Project, at ang iba’t ibang oportunidad sa larangan ng agrikultura.

Paliwanag pa ni Bueno na hindi lang simpleng pagbibigay-kaalaman ang layunin ng kampanya dahil layunin nilang ipakita sa kabataan ang mahalagang papel nila sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng agrikultura.

Dagdag pa ng opisyal na gusto nilang mahikayat ang mga kabataan na maging aktibo sa pagpapatuloy ng adhikain ng repormang agraryo.

Sa pamamagitan ng pag-unawa sa kahalagahan nito at promosyon ng mga kursong may kaugnayan sa agrikultura, umaasa sila na makabuo ng mga lider na magpapalago sa kanayunan, magtitiyak ng sapat na pagkain, at mag-aangat sa buhay ng mga magsasaka.

Lalo pang naging makabuluhan ang programa para sa mga estudyanteng anak ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) dahil mas nauunawaan nila ang kanilang pinagmulan at koneksyon sa kanilang komunidad.

Layunin ng programa na itaguyod ang pagsasaka hindi lang bilang isang tradisyon kundi bilang isang propesyon na may saysay at magandang kinabukasan.

Facebook Comments