Multi-agency consultative meeting kaugnay sa pagsasara ng ilang bahagi ng San Juanico Bridge, pinangunahan ng Liderato ng Kamara

Naglunsad ng isang multi-agency consultative meeting ukol sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez at Tingog Party-list na dinaluhan ng dinaluhan ng mahigit 30 kaukulang ahensiya ng pamahalaan.

Tinalakay sa pulong ang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapagaan ang pasanin ng mga apektadong mananakay at negosyo, at maisakatuparan ang ganap na pagpapanumbalik ng koneksyon sa transportasyon habang isinasaayos ang San Juanico Bridge.

Pangunahin dito ang pagtukoy at paghahanda ng Department of Public Works and Highways o DPWH at MARINA sa mga alternatibong ruta at pantalan para magpatuloy ang biyahe at ro-ro operations.

Nabanggit din sa pulong ang paglulunsad ng Tingog Party-list, sa pakikipagtulungan sa DPWH, ng 24-oras na libreng sakay para sa mga apektadong pasahero.

Pinag-usapan din ang pagtatayo ng pansamantalang terminal sa magkabilang dulo ng San Juanico Bridge para sa mga mananakay at sa pagkakaloob ng pangunahing tulong mula sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan.

Nagpahayag naman ng buong suporta ang Tingog Party-list sa deklarasyon ng state of emergency at paglalaan ng ₱1.7 billion na pondo para sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge.

Facebook Comments