
Inaayos na ng pamahalaan ang matagal nang naantalang benepisyo ng mga health worker na hindi pa rin naibibigay mula pa noong 2021 dahil sa mga isyung may kinalaman sa Commission on Audit (COA).
Sa gitna ito ng panawagan ng Alliance of Health Workers sa pagpapalabas ng kanilang mga benepisyo, kabilang ang performance-based bonus.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro , nagsumite na ang Department of Health (DOH) ng clarificatory letter sa Department of Budget and Management (DBM) upang maresolba ang mga usapin sa medical allowance.
Nililinaw sa liham ang paraan ng pagbabayad, kung sa pamamagitan ng HMO o cash reimbursement, pati ang mga kwalipikadong benepisyaryo at mga kinakailangang dokumento.
Binigyang-diin naman ni Castro na nagsimula pa noong 2021 ang isyu sa naantalang benepisyo ng mga health worker at hindi ito nangyari sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.










