Nagpatawag ng dayalogo ang Sangguniang Bayan ng Mangaldan kaugnay sa dumaraming insidente ng pagnanakaw ng water meter sa iba’t ibang barangay.
Idinulog ng mga nangangambang residenteng ang kanilang reklamo sa mga kinauukulan upang mabigyan ng agarang solusyon. Dumalo sa nasabing pulong ang Mangaldan Water District General Manager Engr. Marcelo Petonio, at ang hepe ng Mangaldan Police Station na si PLTCOL Perlito Tauyon.
Batay sa tala ng MAWAD, umabot na sa 15 kaso ng pagnanakaw ng water meter ang naitala sa bayan. Hinala naman ng pulisya, posibleng may grupo o sindikato na nasa likod nito, at may tinututukan na silang suspek na nakatakdang sampahan ng kaso.
Sa dayalogo, nabatid na ang mga water meter ay gawa sa brass o tanso na may halagang umaabot sa ₱300 kada kilo, dahilan kung bakit target ito ng mga magnanakaw.
Iminungkahi rin ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga junk shop upang agad mai-report kung may nagbebenta ng mga ninakaw na water meter. Samantala, pinapayuhan ang mga residente na lagyan ng grills o proteksyon ang kanilang metro ng tubig upang maiwasan ang pagnanakaw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







