
Aminado ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) na may kinahaharap itong hamon sa pagtugon sa hunger rate sa bansa, sa kabila ng mga programang ipinatutupad ng pamahalaan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NAPC Secretary Lope Santos III, mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa mga local government unit para mapalakas ang epekto ng mga programa kontra kahirapan at kagutuman.
Ibinahagi rin ni Santos na may kasunduan na ang NAPC at League of Municipalities of the Philippines habang patuloy rin aniya ang koordinasyon ng ahensya sa League of Cities at Liga ng mga Barangay.
Ipinatutupad aniya ng NAPC ang mga convergence program na naglalayong pag-isahin ang mga inisyatibo ng national government agencies upang tumutok sa mga priority LGUs at priority sectors.
Sa ganitong paraan aniya ay mas napapahusay ang pagtugon sa kahirapan at kagutuman.