Friday, October 30, 2026

Mga para-athletes ng bansa na lumahok sa 5th Asian Para Games sa Japan, paparangalan ng Senado

Isinusulong ni Senator Joel Villanueva na bigyang-parangal ng Senado ang 69 Filipino para-athletes na sumabak sa 11 sports ng katatapos lang na 5th Asian Para Games sa Aichi-Nagoya sa Japan.

Nakapag-uwi ang mga ito ng pitong medalya kabilang dito ang dalawang gintong medalya at nagtapos ang bansa sa ika-17 pwesto sa kabuuang standing.

Inihain ni Villanueva ang Senate Resolution 752 para kilalanin ang mga para-athletes ng bansa matapos maguwi ng karangalan para sa Pilipinas.

Aniya, ang bawat myembro ng delegasyon ng bansa ay karapat-dapat na mabigyan ng pagkilala para sa ilang taon ng kanilang paghahanda, sakripisyo, at dedikasyon.

Iginiit ni Villanueva na hindi lang dapat nagtatapos sa papuri ang pagkilala sa mga para-athletes.

Hinikayat ng senador ang pamahalaan na palakasin ang suporta sa training facilities, coaching, sports science at mga programa para sa mga atletang may kapansanan.

Facebook Comments