
Matapos ang pagpapaliban ng arraignment sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) dahil sa tatlong bilang ng kasong grave threat — hinarap at naglabas ng kaniyang pahayag si Vice President Sara Duterte sa mga supoorters nito.
Ayon kay VP Sara, kaniyang ipagpapatuloy ang laban at hindi basta-basta susuko sa kabila ng mga kinakaharap na kaso.
Aniya, hindi siya papayag na manaig ang mga pulitiko na nais siyang mapatalsik sa pwesto kung saan ang mga ito ang totoong nakikinabang at nilulustay ang pondo ng bayan.
Paliwanag pa ng pangalang pangulo, huwag sanang kalimutan ng taong bayan ang isyu sa talamak na korupsyon na kinakaharap ng administrasyon lalo na’t marami sa mga nakaupo sa pwesto ang nakinabang umano dito.
Sinabi pa ni VP Sara, tuloy sila sa kanilang ipinaglalaban kahit pa batid nila na marami sa kaalyado ng administrasyon ang gumagawa ng paraan para tuluyan siya na mawala sa pwesto.
Muling nagpasalamat si VP Sara sa kaniyang mga taga-suporta lalo na’t ramdam niya ang kanilang pakikiisa gayundin ang pagpakita ng malasakit sa kaniya at sa pamilya Duterte.










