
Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., ang National Food Authority (NFA) na tiyakin ang magandang kalidad ng bigas na ibinebenta ng ₱20 kada kilo.
Una rito, pinulong na ni Secretary Laurel ang mga regional managers at opisyal ng NFA kamakailan.
Giit pa ni Tiu-Laurel, na ang subsidized rice program na ito ay pagkakataon para sa ahensiya na baguhin ang pananaw ng tao tungkol sa NFA rice na hindi maganda ang kalidad.
Binanggit din ng Kalihim na ang inisyatiba ay nagtatampok sa kalidad ng palay na itinanim ng mga Pilipinong magsasaka.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, hindi na umaangkat ng bigas ang NFA para sa buffer stocking.
Sa halip, nakatutok ito sa pagbili ng palay mula sa mga local farmer upang suportahan ang domestic production at matiyak ang patas na presyo.
Paliwanag pa ni Laurel na sa ngayon, may imbentaryo ang NFA na katumbas ng walong milyong bag ng bigas, na kalahati ng stock na binili sa unang apat na buwan ng taong kasalukuyan.