Not guilty plea, inihain ng mga akusado sa nakumpiskang 990 kilos ng shabu sa Maynila

Itinakda ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 175 sa February 14, 2025 ang pre-trial para sa kasong paglabag sa RA 9165 sa 29 na mga pulis.

Ito’y mga pulis na nasangkot sa ikinasang buy bust operation kung saan nasa 990 kilo ng shabu ang narekober sa isang gusali sa Tondo noong 2022.

Naghain ng kaso ng not guilty plea ang mga abogado ng mga akusadong pulis sa ginanap na arraignment.

Bagama’t tumangging magbigay ng plea ang kampo ni MSgt. Rodolfo Mayo Jr. dahil sa nakabinbin nilang motion to quash sa paglilitis, ang korte na ang naghain ng not guilty plea para sa kanya.

Hindi naman sumipot ang mga abogado ng ilan sa mga akusado na nakalalaya pa rin kasama na si PLt.Col. Glenn Gonzalez.

Samantala, tinalakay rin ng korte ang kanya-kanyang hiling ng mga akusado sa kanilang detention, kung ililipat ba sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Kasama rin dito si Patrolman James Osalvo na hiniling mailipat sa PNP General Hospital at mabantayan ng isang kamag-anak.

Ito ay dahil sa kondisyon ng pulis na nasangkot sa aksidente at nasa kustodiya ngayon ng Custodial Center sa Camp Crame.

Facebook Comments