“NOTICE OF CLOSURE”; IPINATUPADUPANG IPAHINTO ANG OPERASYON NG MGA PISONET SA DAGUPAN‎

‎Ipinatutupad na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang Notice of Closure upang ipahinto ang operasyon ng mga Pisonet establishment sa lungsod, alinsunod sa City Ordinance No. 2383-2026.

‎Ayon sa pamahalaang lungsod, napansin nilang may mga mag-aaral na napapabayaan ang kanilang pag-aaral, nasasayang ang oras, at nalalantad sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng pang-aabuso at iba pang panganib dahil sa labis na paggamit ng Pisonet.

‎Nakasaad din sa ordinansa ang legal na batayan ng pagpapatupad ng Notice of Closure, pati na ang pananagutan ng sinumang magtatangkang alisin o sirain ang naturang abiso.

‎Nagbigay rin ang lokal na pamahalaan ng limang araw sa mga operator upang maibalik sa mga tunay na may-ari ang mga Pisonet machine.


‎Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagpapasara ng mga Pisonet ay tugon din sa apela ng mga magulang at mga guro sa Dagupan City, na matagal nang nananawagang ihinto ang operasyon ng mga ito dahil sa madalas na pag-uwi nang gabi ng ilang mga mag-aaral.


‎Malaking tulong din umano ang hakbang na ito sa mga barangay dahil sa mas paiigtinging seguridad. Makikipagtulungan din ang mga opisyal sa tuloy-tuloy na monitoring at foot patrol upang matiyak na naipatutupad ang ordinansa.


‎Magiging katuwang naman ang Philippine National Police (PNP), sa pagpapatupad ay epektibong pagmomonitor ng pagsasara ng mga Pisonet establishment.


‎Magco-comply naman umano ang ilang operator sa nakasaad sa notice of closure.

‎ ‎Nagpaalala ang kinauukulan na patuloy nilang ipatutupad ang lahat ng legal na hakbang upang tuluyang matigil ang operasyon ng mga Pisonet sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments