OCD, tiniyak ang kahandaan na pamunuan ang national task force sa Kanlaon response

Handa ang Office of Civil Defense (OCD) na pamunuan ang national task force na itatatag batay sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Layon ng task force na tugunan ang agarang pangangailangan at pangmatagalang rehabilitasyon ng mga apektadong lugar dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.

Sa pagbisita kamakailan ni Pangulong Marcos sa La Carlota City, Negros Occidental, iginiit nito ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers upang matiyak ang kaligtasan ng mga lumikas na residente.


Samantala, ayon naman kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy ang pagtutok ng ahensya sa sitwasyon mula nang magsimula ang pag-aalburoto ng Kanlaon at handa silang magbigay ng kinakailangang tulong para sa mga apektado.

Base sa ulat ng OCD, 2,660 pamilya o 8,509 indibidwal ang kasalukuyang nasa 23 evacuation centers sa Western at Central Visayas.

Kung tataas pa ang alert level, inaasahan na maaari pang umabot sa 90,000 katao ang kailangang ilikas.

Sa ngayon, umabot na sa P95.6 milyon ang nailaan na tulong mula sa gobyerno, habang P144.04 milyon naman ang prepositioned relief supplies, nasa P199.6 milyon na ang naibigay na tulong mula sa DSWD, NGOs, at LGUs sa Regions VI at VII.

Facebook Comments