
Nananawagan si House Quad Committee Overall Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Malacañang na paimbestigahan ang pagpapahintulot ng mga lokal na pamahalaan ng Bataan, Zambales at Pangasinan na mag-operate ang 85 kompanyang pag-aari ng mga Chinese.
Sa impormasyong natanggap ni Barbers, umuupa ang nabanggit na mga Chinese-owned firm ng mga property sa tabing-dagat na nakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda dahil itinataboy sila.
Ayon kay Barbers, hindi malinaw kung ano ang negosyong pinapatakbo ng naturang mga Chinese company na may kaduda-dudang mga aktibidad sa baybayin ng Bataan, Zambales at Pangasinan.
Hinala ni Barbers, ang nabanggit na mga Chinese company ay may hawak na mga empleyadong sundalong Chinese at mga espiya.
Kinalampag din ni Barbers ang Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang kaukulang ahensya para aksyunan ang presensya ng dalawang barkong pag-aari ng Chinese na tatlong buwan ng nasa karagatang sakop ng Zambales na hindi malinaw ang aktibidad.
Nababahala si Barbers dahil lumalabas na katulad ng estratehiya ng mga nasa likod ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ay kinakaibigan din ng mga “Chinese spies-invaders” ang mga lokal na opisyal at mga awtoridad sa Pilipinas.